Damgo sa bukid

Liwanag ng araw ay sumisikat,
sa mga alon ng ilog kumikislap.
Sa agos ng tubig,
tila’y naririnig,
himig ng hanging kumakanta
sa sayaw ng bulaklak na magaganda.

Sa lilim ng mga puno,
mga bata’y naglalaro.
Mga bata’y naliligo,
nagtatampisaw.

Mga pisik ng tubig
sa mga paang nagtatalon.
Isang lakbay na tila panaginip,
sa himig ng hangin na umiihip.
Mga ibo’y umaawit,
sa kumpas ng mga dahong nakaidlip.

Tatlong batang naglalaro,
kumakanta’t, naliligo.
Ang bangka, na sa tabi’y natutulog,
nakikikanta sa tahimik na ritmo
ng mga paang dumadagundog.

Pumikit rin ang araw,
Mga sigaw at bulong natahimik.
Mga alaala’y naisilang ng araw,
nakatulog at nakapikit.

Ngunit, tulog na alaala’y
di nakakalimutan.
At tunog ng nakaraa’y
masarap balik-balikan.

Ang ilog ay patuloy na umaagos,
at ang musika’y patuloy na tumutunog,
sa panaginip kapag natutulog.

Hilaw na bayani

Nasanay tinatalikuran,
naranasang masaktan.
Naramdaman ang masugatan,
tumalikod sa nakaraan.

Hanggang napaisip,
di kailangang magtiis.
Hinarap ang katotohanan,
nilunok ang hinagpis.

Pag-asa sa iba’y,
walang mahahantungan
Pagtiwala sa iba’y
hindi na kinailangan.

Umiwas sa nakaraan,
nagpakalayo-layo.
Natutong mabuhay
na ang ulo’y nakayuko.

“Ganito lamang ang buhay”,
nasabi sa sarili,
“Sa sakit na laan ng buhay,
buti pa magsarili.

Di na kailangang magtiwala,
Sa hirap, magsikap na lamang.
Buti pang masaktan mag-isa kesa
ipagtiwala ang sarili sa iba.”

Hindi na umasang magbabago
ang ikot ng mundong nakabakod.
Sa hiya at takot ng puso,
sa mundo’y di na bumuklod.
Tanggap na, tanggap na.
Wala ring mag-iiba.
Tanggap na, tanggap na.
Mabuti pang mag-isa.

Dati’y di laging ganito,
dati’y umaasa pa ako.
Mga pangarap ng kabataa’y
nakatatak sa ’king puso.
Malawak, umaasa, humahangad.
Hanggang sa nagsawa
Wala ring mapupuntahan.
Naisantabi sa sulok,
di na muling babalikan,
ang mga pangarap ng kabataan,
mga panaginip ng nakaraan.

Wala

Ako si wala
walang patutunguhan.
Hilaw sa karanasan,
walang kamalayan.

Laging iniiwasan,
takot sa kinabukasan
Walang ibang gawa,
tumatakbo sa nakaraan.

Ako ay bulag,
mata’y laging nakasara.
Maaari rin duwag,
nais lang ang nakikita.

Ako ay bulag,
sa katotohanan ako’y duwag.
Kahit sa sarili’y,
nagtatago’t nagpapakabulag.

Ako ay bingi,
manhid sa pighati.
Pilit di nakikinig,
kung hindi nais ang marinig.
Nakatikom pati bibig,
Hindi ba’t tayo’y magkahawig?

Ako ay pipi,
tulad ng iba.
Pinipiling manatili,
takot magsalita.
Walang sinasabi,
ang opinyon ko’y ’wala’.

Ako’y walang daan,
walang pakialam.
Laging nagbubulag-bulagan
walang mapapatunguhan.

Manhid sa paligid, walang nararamdaman.
Sumusunod lang sa agos,
luha’y laging bumubuhos.
Katangia’y ng karamihan,
walang hawig na sinuman.

Minsan, akin rin ginusto
Maging sino o ano,
maging kelan man o saan.
Kahit ano, maiba lang.

Laging nagtatanong,
kung walang mahahantong
ang buhay na tila gulong.
Mga hangad, sa hangin binubulong.

Kaya’t minsan ding nangako,
susubukan ring magbago.
Pigilang maging ’wala’,
maranasan ding mag-iba.

Ngunit hanggang isip lang,
hanggang tanong.
Panaginip na lang
sa ihip lang at bulong.

Pagka’t takot sa pagbabago,
takot na di makilala.
Kapag ang agos ay magbago,
baka sarili rin mawala.

Habang buhay mananatiling si Wala.
Habang buhay lang magtatanong.
Mananatiling walang patutunguhan,
Agos na di mababago ng ulan,
Dahil laging nagbubulag-bulagan
sa masakit na katotohanan.